Page header image

Pagkalason sa Acetaminophen

(Acetaminophen Poisoning)

________________________________________________________________________

MGA PINAKAMAHALAGANG PUNTO

  • Nangyayari ang pagkalason sa acetaminophen kapag uminom nang sobrang acetaminophen ang iyong anak.
  • Kung sa palagay mo uminom ang iyong anak nang sobrang acetaminophen, huwag nang maghintay na makita ang mg sintomas. Tawagan ang sentro ng pagkontrol ng lason sa 800-222-1222 o agad humingi ng emergency care. Huwag subukang ikaw mismo ang gumamot sa iyong anak.
  • Kung wastong maipapainom, ligtas ang gamot na ito para sa mga sanggol at bata. HUWAG paiinumin ang iyong anak ng maraming gamot kaysa sa inuutos.

________________________________________________________________________

Ano ang pagkalason sa acetaminophen?

Ang acetaminophen ay isang gamot na ginagamit para gamutin ang pananakit at lagnat. Ibinebenta ang acetaminophen sa ilalim ng maraming pangalan ng brand. Ito ay matatagpuan sa maraming gamot tulad ng mga gamot sa kirot at sipon at trangkaso. Isa itong ligtas na gamot kapag ipinapainom sa tamang dosis. Nangyayari ang pagkalason sa acetaminophen kapag uminom nang sobrang acetaminophen ang iyong anak.

Ang labis na dosis ng gamot na ito ay maaaring lubhang makapinsala sa atay. Kung kaagad na magagamot, maaaring makapanumbalik sa dating lakas ng katawan ang iyong anak na walang mga pangmatagalang problema sa kalusugan. Kung malala ang pinsala sa atay, maaaring kailanganin ng iyong anak ang liver transplant.

Ano ang sanhi?

Ang labis na dosis ay maaaring mangyari kung ang iyong anak ay:

  • Sadyang umiinom nang sobra
  • Aksidenteng umiinom nang sobra, tulad ng hindi pagsukat sa tamang dosis o sobrang dalas iniinom ang gamot
  • Umiinom ng iba’t ibang gamot na lahat ay naglalaman ng acetaminophen

Ano ang mga sintomas?

Maaaring hindi magkaroon ng mga sintomas ang iyong anak nang hanggang sa 24 na oras pagkatapos inumin ang gamot. Maaaring kabilang sa maaagang sintomas ang:

  • Pagduduwal at pagsusuka
  • Kawalan ng gana

Kung hindi kaagad magagamot, maaaring kabilang sa mga sintomas ang:

  • Pananakit sa bandang kanang itaas ng tiyan
  • Pagtatae
  • Coma
  • Pagkalito
  • Mga atake

Paano itong sinusuri?

Tatanungin ng healthcare provider ng iyong anak ang tungkol sa mga sintomas at medikal na history ng iyong anak at susuriin ang iyong anak. Maaaring bigyan ng mga pagsusuri sa dugo o ihi ang iyong anak.

Paano itong ginagamot?

Kung sa palagay mo uminom ang iyong anak nang sobrang acetaminophen, huwag nang maghintay na makita ang mg sintomas. Tawagan ang sentro ng pagkontrol ng lason sa 800-222-1222 o agad humingi ng emergency care. Dalhin ang botelya. Mas madaling malunasan ng mga gamot ang iyong anak, mas mabuti ang pag-asa na gagaling ang iyong anak.

Huwag subukang ikaw mismo ang gumamot sa iyong anak. Huwag subukang pasukahin ang iyong anak.

Paano akong makatutulong iwasan ang pagkalason sa acetaminophen?

  • Marami sa inireseta at hindi iniresetang gamot para sa pananakit, sakit ng ulo, at sipon ay naglalaman ng acetaminophen. Basahing mabuti ang mga etiketa para malaman kung alin ang maaaring naglalaman ng acetaminophen. Maaari rin tawagin ito na non-aspirin pain reliever. Kung hindi mo masabi kung ang iyong anak ay umiinom ng higit sa inirerekomendang dosis kada araw, tanungin ang iyong healthcare provider o parmasyutiko upang suriin ang lahat ng mga gamot ng iyong anak.
  • Kung wastong maipapainom, ligtas ang gamot na ito para sa mga sanggol at bata. Kailangang mong ipainom ang dosis batay sa timbang ng iyong anak, hindi sa edad ng iyong anak.
    • Bigyan ang mga sanggol ng pampatak. Gamitin LAMANG ang kasangkapang pang-dosis na kasama sa pakete ng gamot para maipainom ang tamang dosis ng gamot. Hindi ligtas na gumamit ng pangpatak mula sa isang botelya para sa iba pang botelya. Ang pagdo-dosis ay hindi palaging pareho sa mga gamot. HUWAG gagamit ng kutsaritang pangbahay para magpainom ng dosis.
    • Maaari mong painumin ng likido o mga nangunguyang tableta ang mas matatandang bata. Para sa likido, gamitin ang measuring cup na kasama sa pakete. Para sa mga nangunguyang tableta, siguruhin na nginuya ng iyong anak ang mga tableta bago ito lunukin para maiwasan na mabulunan. Kung natutunaw na tableta ang pinapainom mo sa iyong anak, siguruhin na natunaw ang mga ito sa bibig ng iyong anak bago lunukin.
    • HUWAG paiinumin ang iyong anak ng maraming gamot kaysa sa inuutos.
    • Kung higit sa isang adulto ang nag-aalaga sa iyong anak, ipasulat sa bawat adulto kung gaano karami at kung anong uri ng gamot ang ipinainom sa bata at kailan. Ilagay ang impormasyong kung saan ang lahat ay maaaring sumangguni at magdagdag dito, tulad ng sa pintuan ng refrigerator.
Developed by Change Healthcare.
Pediatric Advisor 2022.1 nilathala ng Change Healthcare.
Huling binago: 2019-01-10
Huling narepaso: 2018-10-19
Ang nilalamang ito ay pana-panahong nirerepaso at sumasailalim sa pagbabago kapag mayroon nang bagong impormasyon sa kalusugan. Ang impormasyon ay inilalaan para ipabatid at magbigay kaalaman at hindi isang pangpalit para sa pagsusuri, payo, diyagnosis o paggagamot ng isang dalubhasa ng healthcare.
© 2022 Change Healthcare LLC and/or one of its subsidiaries
Page footer image